Beyond the Spreadsheet: Metrics, Statistics, Results, at Humanity
Sa mundo ng IT, operations, at project delivery, napakadaling mahulog sa bitag ng "live and die with Excel."
Kapag may aberya, bukas agad ng sheet. Kapag may kailangang patunayan, latag agad ng dashboard. Hindi naman masama ang data. Sa katunayan, kailangan natin ito para magdesign nang tama. Pero habang tumatagal, napapansin ko na maraming organisasyon at team ang naliligaw dahil hinihiwalay nila ang numero sa konteksto, at ang trabaho sa pagkatao.
May apat na yugto na madalas kong balikan kapag tinitingnan ko kung gumagana ba talaga ang isang sistema at ang samahan sa likod nito: metrics, statistics, results, at humanity.
1. May metrics ka nga, wala ka namang statistics
Ang metric ay hilaw na bilang. Ilang ticket ang naclose? Ilang alert ang lumabas? Ilang oras ang downtime?
Kapag hanggang pagbilang ka lang, madali kang maloko ng sarili mong numero. Baka mataas ang ticket count pero paulit ulit lang pala ang ugat ng problema dahil walang nag-aayos ng design. Kung walang statistics at walang pag-unawa sa pattern, variation, at totoong galaw ng sistema, nag-iipon ka lang ng ingay sa spreadsheet.
2. May statistics ka nga, wala ka namang results
May mga pagkakataon namang magaling sa analysis. Maganda ang chart, malinaw ang root cause, at pulido ang presentation. Pero pagkatapos ng meeting, walang nagbago sa lupa.
Ang tunay na halaga ng pag-aaral ay nasa pagkilos. Kaya ako naniniwala sa "design muna, magdrawing bago bumanat." Hindi ito para maging perpekto sa papel, kundi para siguruhin na ang bawat hakbang ay may malinaw na direksyon at nagretranslate sa gumaganang solusyon.
3. May results ka nga, wala ka namang humanity
Ito ang pinakamabigat.
Maraming kayang magdeliver ng numero at magpakita ng results, pero habang ginagawa nila iyon, durog naman ang team. Ginawang panggamit ang kasama, naging transaksyonal ang turingan, at nawala ang respeto. Kapag may nagkamali, imbes na ayusin ang sistema, naghahanap agad ng sisisihin para lang malinis ang sariling pangalan sa sheet.
Naalala ko ang sinabi ng boss ko noon nung nasa cable pa kami. "Trinato namin kayo bilang tao."
Doktor siya sa propesyon, napakadiplomatiko, at may isang bagay na tumatak sa akin nang husto. Kapag namumuno raw, gusto niya lagi siyang nasa likod para nakikita niya yung mga kasama niya. Hindi lang basta resource o colleague ang turing niya sa amin. Para sa kanya, kasama niya kami.
Simpleng pangungusap, pero buong pilosopiya na ng pamumuno at pakikipagkapwa. Sa mga naging team ko noon, lalo na sa field at technical work na mabigat ang pressure, doon ko nakita ang bisa ng saluhan. Hindi kanya-kanyang taguan ng alas at walang sumbatan kapag may aberya. Kapag alam ng bawat isa na tao ang turing sa kanila at tanggap na tao lang tayo at nagkakamali, nawawala ang takot. Mas mabilis ang komunikasyon, mas maayos ang tulungan, at pati mismong client ay ramdam ang gaan at kalidad ng serbisyo.
Ang Tunay na Sukatan
Hindi nasusukat ng anumang formula sa Excel o kahit gaano pa kalinis na script sa Python ang tiwala ng kasamahan mo sa trabaho, ang respeto ng mga taong hinawakan mo kahit lumipas na ang taon, o ang gaan ng loob kapag alam mong patas kang lumaban. Pwedeng magparse ng logs at mag-automate ng reports ang code, pero hindi nito kayang sukatin kung ano ang pakiramdam ng itrato nang may dignidad.
Ang magandang metrics ay nagiging makabuluhan lang kapag may tamang pag-intindi. Ang magandang analysis ay may saysay lang kapag may totoong resulta. At ang totoong resulta ay nagtatagal lang kapag hindi mo nakalimutang magpakatao.
Comments
Post a Comment